Walang makatutumbas

Walang makatutumbas

ni Myca Dane Sapitula

PAKSA NG TULA: Magulang/Pamila

Naaalala ko noon nung ako’y naglalaro,

Sabi mo na ako’y magdahan-dahan pero ‘di ako nakinig sa iyong payo.
Natumba ako at nasugatan ang tuhod ko,
Pero imbes na pagalitan ay tinulungan mo akong tumayo.

Naaalala ko noon nung nagkasakit ako,
Binigyan mo ako ng gamot at pinunasan gamit ang bimpo.
Pinakain mo ako ng paborito kong ulam na iyong luto,
Pagod ka sa trabaho pero ako’y inalagaan mo.

Naaalala ko noon nung unang araw ko sa eskwela,
Umiiyak ako dahil ayaw kong lumisan ka.
Pinatibay mo ang loob ko at sabi mong kaya kong mag-isa,
Sabay sabi ng “Sus, matalino kang bata!”

At hanggang ngayon nakaukit pa rin sa aking alaala,
Kung paano mo ako hinele kahit pagod ka na,
Kung paano mo ako ginabayan at minahal ng sobra.
Walang makatutumbas sa iyo, aking ina.


Leave a comment